Saturday, July 19, 2014

Losing Grip

Pagod na ko. At patuloy akong napapagod.

Dumating na ko sa puntong iniiwasan ko na mag-area hangga't maari. Baka umiyak lang ako. Baka umiyak ako dahil sa sobrang pagod...dahil nawawala na ko. Hindi ako nawawala dahil hindi ko na alam kung bakit ko ito ginagawa. Hindi ako nawawala dahil literal na nawawala ako papuntang area.

Nawawala ako dahil unti-unti kong nabibitawan at binibitawan ang dahilan ko kung bakit ako tumaya at patuloy na nagtataya.

At lubusang nakahahabag dahil sa simula ng taon, ang dami kong plano. Ang saya ko. Takot ako pero handang-handa akong lumundag. Ngunit ngayon, gusto ko na lamang magtago sa kwarto ko at huwag ng lumabas pa. Gusto kong magpahinga pero ang daming boses - ang daming pangangailangan. Ang daming hinihiling sa kin. Isa lang ako - isa lang ang katawan, ang kaluluwa at ang puso ko. Pero sa tambak na kumento, suhestyon, kritiko, kalendaryo, plano, gawin natin ito Chel - hindi Chel ito - Chel, mag meeting tayo please.

TAMA NA.

Naririndi na ko. Nakakapagod makinig kung sabay-sabay na nagsasalita. Pakinggan niyo ang huni ng katahimikan ko. Kahit saglit. Kahit isang segundo lang. Kahit...kahit...

Gusto kong bumagon. Gusto kong lumaban. Pero ngayon, gusto ko munang magpahinga. Bigyan niyo ko ng panahon at ng espasyong...

Makapag-isa.
Makapag-isip.
Umiyak.

No comments:

Post a Comment