Friday, June 12, 2015

Mahal


Mahal -
Maari ba kitang tawaging mahal? Kahit ngayong gabi lang. Kahit hanggang sa huling salita lang ng tulang ito.
Mahal, mahal. Hay, mahal.
Limang taon.
Bakit nga ba hindi mo ako kayang mahalin? Paki-ulit. Pakisabi.
Pakisabi naman muli, oh.
Pakisabi ulit sa puso kong hindi matuto-tuto.
Pakisabi muli kasi kahit na paulit-ulit sa ulo ko na -
Mahal.
Mahal na mahal pa rin kita.
Mahal na kita
Mula noong hayskul palang tayo.
Mula noong inimbita kita sa prom namin - ngunit hindi ka naman rin pumunta.
Kahit noong hindi natuloy ang panunuod natin sa sine - iMax pa nga sana eh - ng Harry Potter 7 part 2
Kahit noong hindi ka sumipot at pinaghintay mo ko buong gabi sa campus ng Ateneo para magdinner - Mahal, hindi ka man lang nagtext. Piso lang naman iyon.
Kahit noong tatlong beses kang umurong sa lunch catch-up natin.
Mahal, noon mula ngayon,
Mahal na mahal kita.
at ang sakit-sakit na.
Kasi, mahal,
Hindi ako direksyon. Hindi ako ang taong puwede mong iwan kapag sa palagay mo nasa tamang landas ka at babalikan kapag nawawala ka na sa dami ng rutang puwede mong puntahan.
Mahal, hindi ako sagot.
Hindi ako ang solusyon sa mga problema mo - career man o pamilya. Hindi ako shock-absorber. Hindi ako answer key. Hindi ako unan.
Mahal, hindi ako bagay o ideya o lugar.
Mahal, tao ako.
Tao ako na kailangan rin ng masasandalan.
Tao ako na humahanap rin ng lugar niya sa mundo.
Tao rin ako na napapagod.
Tao rin ako na uhaw sa pagmamahal.
Mahal, mahal na mahal kita at kailangan na kitang palayain.
Kailangan ko namang mahalin ang sarili ko.
Mahal, maari ba kitang tawaging mahal sa huling pagkakataon?
Mahal, mahal. Hay, mahal.
Paalam