Thursday, July 1, 2010

48.

Tapos na eh. Ba't kailangan pang balikan?

Hindi ka ba nakuntento sa mahigit na anim na buwang pagkabaliw ko sa'yo dati? O sadyang nananadya ka lang? Ba't ang hirap kalimutan ng matamis nating kahapon? Ni hindi nga naging tayo eh. Ni hindi nga MU. Ano nga ba tayo? At meron nga bang tayo? O baka naman, 'Ako', 'ikaw' at 'siya' ang totoong realidad? Nahihibang lang ba talaga ako? O talagang pinaasa mo lang ako?

Oo,nagpakaloka-loka ako para sa'yo. Hindi mo nga pansin eh. Buti na lang. Buti na lang,di mo ramdam. Buti na lang,manhid ka. Buti na lang, di mo nakita. Di mo nakita ang labis na pagtangis ng puso ko sa bawat kuwento mo at tawang laan para sa iba. Di ka natuluan ng mga luha kong kay pait. Di mo narinig ang panaghoy kong nagsasabing,'Tama na,puwede ba, wag mo na akong paibigin pa.' Wala. Ganyan ka naman eh. Napapansin mo lang ako tuwing kasiyahan at halakhakan. Nagtataka nga ako kung ba't ikaw ang pinakamatalik kong kaibigan. Eh, wala ka naman noong gusto kong
magpasalo sa'yo.

Paano nga ba nagsimula? Paano mo nga ba inangkin ang buong mundo ko? Kailan mo ba pinagharian ang puso ko? Ewan. Ewan. Wag mo kong tanungin kasi di ko rin alam. Bigla na lamang noong isang malamig na umaga ng Biyernes, natanto ko na iba na pala ang tingin ko sa'yo. Pagtinitingnan kita mula sa bintana ng iyong silid-aralan, naiisip ko kung gaano palatayo kalayo sa isa't-isa. Parang napaka-lapit na natin, ngunit di ko magawang sabihin ang totoo kong nararamdaman. Ang sakit pala. Akala ko'y ang pag-ibig ay isang damdaming puno ng saya at magagandang karanasan. Isang emosyon kung
saan ang isang tao'y nakakalipad dahil nahanap na niya ang kabiyak ng kanyang pakpak sa taong ninanais niya. Mali pala ako. May lungkot, sakit at pighati rin pala ang pag-ibig. At dahil doon, binago mo ang pananaw ko sa pagmamahal. Bakit? Hindi ka pala laging nakakalipad. Pag sinubukan mo palang lumipad gamit ang pakpak ng taong mahal mo ngunit di para sa'yo, mas lalo ka palang babagsak. Babagsak ka hanggang sa ninanais mo na sana, di mo na lang sinubukan. Sana, di ka na lang umasa. Sana, di ka na lang nagpakatanga. Pero, alam mo kung anong mas nakakainis doon?Yung puntong bumabagsak ka na nga eh, nagdadasal ka pa na sana masasagip ka pa niya. Sa huli, wala rin. Walang dumating. Ang sakit. Pinagbagsakan ka na nga na langit at lupa, hayan, asa ka pa rin ng asa. Ganyan ang nangyari,Parekoy. Napakalaki ko talagang tanga.

Eto na naman tayo. Hinawakan mo na naman ang kamay kong napakalamig na parang sa patay. Kinamusta mo ang Summer ko sa Italya. Nagkuwento naman ang loka. Tumawa ka sa mga pinagsasabi ko. Poot! Poot! Colegio de San Isidro. Pagkababa'y binitawan mo ang aking mga palad.

"Ingat ka, Deidre ah? Alam mo namang mahal na mahal ko ang Marekoy ko eh." Hinawakan mo pa ang buhok ko at ngumiti ng kay pait at kay tamis.

"Ah sige. Ingat ka rin, Michael."

Tumalikod ka at nagpunta sa tabi ng babaeng tunay na nagmamay-ari ng puso mo. Isang patak na naman ng luha ang nahulog mula sa aking mga mata. Aba'y pang-apatnapu't walong luha na to ah.

Ring! Ring!

Hinga, Deidre, hinga. Balang araw, makakalimutan mo rin siya.

-- Haha. A Tagalog story written by yours truly. :D